Nasan ba talaga ang swerte?
Nasan ba talaga ang swerte? mayroon nga bang salitang swerte? lahat ba o iilan lamang ang nakakatagpo nito? mailap ba ito?
Napakaraming tanong, akala mo madaling sagutin.
Mayroon nga ba talagang swerte? Meron! at may dalawang uri ito:
Ang unang "SWERTE" ay yung tipo ng swerte na nakakamit ng nakararami sa pamamagitan ng tiyaga at tagal ng panahong inilaan para dito. Ito yung swerte na nakakapagangat ng antas ng buhay. Ito ay nakakamit ng mga taong hindi marunong sumuko at may pangarap sa buhay. Kadalasan pang matagalan ang ganitong klase ng swerte. Lahat ng tao ay may kakayanang makamit ito basta pinaglaanan ng ampat na panahon at pagpupursigihan ito. Ito yung tipo ng swerte na nakakamit ng mga "juan masipag".
Ang ikalawang "SWERTE" naman ay yung tipo ng swerte na biglaan, ito ay dumarating ng hindi inaasahan. Halimbawa na lamang nito ay ang pagkapanalo mo sa lotto o ang pagkapulot mo ng pera sa daan. Hindi ito nangangailangan ng pagpupursigi at tiyaga. Hindi ito kailangang paggugulan ng maraming panahon para makamit. Lahat ng tao ay maaaring makamit ang swerteng ito, ngunit iilan lamang ang nakakakamit nito. Ito ay kadalasang inaasam na makamit ng mga "juan tamad".
Lahat ng tao ay may pagkakataong makita ang swerte na para sa kanila. Marami na ang nakatagpo nito. May iba na nagsusumikap makamit ang swerte ng pangmatagalan. At karamihan ay naghihintay na lamang sa pagdating ng swerteng biglaan. Ito marahil ang dahilan kung bakit marami ang nagtatanong "Nasan ba talaga ang swerte?"
Ikaw, nakita mo na ba ang landas patungo sa swerte mo o pilit mo din hinihintay ang kusang pagdating nito?
